Mga Kakaibang Batang Bakwit sa Marawi

Mga Kakaibang Batang Bakwit sa Marawi

Ni Riena Mercene,* Karapatan volunteer

 

Sa biglang tingin, walang kakaiba sa mga batang nasa Pantar, sa isang Madrasah na ginawang evacuation center nang nagsimula ang gulo sa Marawi.  Naglalaro sila, nagtatawanan, ngumingiti, at nakikipag-usap sa mga bisita.

Masaya nilang hinahabol ang isa’t isa at hinihila ang mga laruang kotseng binuo ng kanilang mga ama; mga kunwa-kunwariang kotse na ginawa gamit ang retasong kahoy, o bote ng pulbo o pabango.

 

 

Kapag kinausap, sumasagot naman sila kahit hindi nila lubusang gamay ang wikang Tagalog. Sinasagot nila ang mga tanong tungkol sa buhay nila noon sa Marawi bago ang gulo.

Ikinwento nila sa wikang hirap silang bigkasin kung paanong ang bahay nila noon sa Marawi ay may kwarto, kusina, at CR, at ang ilan, may TV at kama. Sa maliliit nilang boses, ikinwento nila ang bahay nilang gawa sa bato at ang hardin ng mga bulaklak na nasa labas nito. May paaralan sila sa Marawi, sabi nila, at pangarap nilang maging doktor, guro, o pulis.

Gaya ng ibang bata, ikinwento nila ang kanilang lungkot kapag napapalo sila; ang kanilang saya kapag may mga kalarong kaibigan; at ang takot sa multo, aswang, bampira, aso, leon, at ahas.

Wala namang kakaiba sa mga batang bakwit sa Pantar. Paulit-ulit mong maririnig na masaya sila kapag may pamilya, pero may ilan-ilan kang maririnig na nalulungkot dahil namatay ang nanay niya sa Marawi, o nahiwalay sa mga kapatid. May nagagalit kapag naiisip ang nawawala niyang kuya at ang takot nila.

Ang Islamikong Lungsod ng Marawi ay matatagpuan malapit sa Lawa ng Lanao na siyang lunduyan ng kabuhayan at kultura ng mga Maranao. Sa lungsod na ito, namumuhay ang pinakamaraming populasyon ng mga Muslim sa buong bansa. Dito’y may mga mosque, simbahan, paaralan, at Madrasah na siyang humubog sa mga batang naninirahan doon, hanggang nagsimula ang gulo noong ika-23 ng Mayo 2017. Ang mga bombang pinapakawalan ng mga militar ay sabay-sabay na pinipira-piraso ang mga bahay ng sibilyan, mga mosque, at mga paaralan. Higit dalawang libong pamilya ang wala nang babalikang bahay sa Marawi. Sa tala noong ika-15 ng Hulyo, 537 na ang napabalitang namatay, nang walang pruweba kung mga “terorista” ang mga tinaguriang terorista. Hanggang ngayon, pataas pa rin nang pataas ang bilang ng mga bakwit na may iba’t ibang sakit, dulot ng hindi kaaya-ayang kundisyon sa evacuation centers.

Nang minsan akong magpunta roon para tumulong sa pagdadala ng relief goods, hindi ko makalimutan nang tanungin ko ang isang batang kung saan siya natatakot.

“Mamatay”, sabi niya sabay tawa na parang biro na lang ang posibilidad na ito. May isa pang nagsabing natatakot siyang magutom na tinawanan lang din nilang sabay-sabay ng mga kasamahan niya.

Pagpasok pa lamang ng Hulyo, may siyam na batang napabalitang namatay sa gutom at dehydration sa Pantar. Ilan dito’y mga sanggol pa lamang. Nito lang nakaraang linggo, ibinalitang may dalawa pang batang namatay dahil sa dehydration. Ang takot ng mga bata sa gutom at kamatayan ay hindi na kataka-taka.

Nang makausap ko ang ilan sa kanila, nabanggit nilang hindi raw masaya doon sa Pantar. Marami na silang sugat. Hindi raw pwedeng lumabas sa Madrasah kasi bawal. Nang magsimula raw ang pambobomba, umalis sila sa Marawi. Naglakad ang mga maliliit nilang paa mula alas-otso ng umaga hanggang alas-tres ng hapon para makarating sa Pantar. Dumaan sila sa lugar na wala nang mga bahay, kung saan puro putik at puno na lamang ang nakikita nila. Buhat-buhat ng mga nakatatanda ang mga sanggol. Ang dala lang daw nila ay mga damit at kaunting bigas sapagkat sabi sa kanila ay sandali lang daw ang gulo. Sinabi raw sa kanila na tatlong araw lang ang itatagal nito, pero tatlong buwan na silang hindi makauwi sa kanilang mga bahay. Paminsan-minsan, naririnig nila ang mga pambobombang sumisira sa mga tahanan nila.

Habang tumatagal ang aming kwentuhan, ang mga bata na mismo ang sabay-sabay na nagpipresinta ng kanilang mga hinaing.

“Hindi kami makauwi kasi nakatira ang mga sundalo sa Marawi.”

“Takot ako sa sundalo.”

“Sabi nila, ninakawan na raw ang mga bahay namin doon. Wala na raw ang mga gamit namin.”

“Kapag naka-lock daw ang bahay ay sisirain nila ang pinto.”

Hanggang ngayon ay wala pa ring katiyakan kung kailan matatapos ang gulo sa Marawi. Wala pa ring katiyakan kung makababalik pa ba ang mga bata sa lugar nila upang mamuhay at makapag-aral muli tulad ng hiling nila. Marami pang kinakaharap at kakaharaping problema ang mga maliliit nilang puso.

Kapag nagawi ka rin doon, iisipin mo ring wala namang kakaiba sa mga batang bakwit. Hindi mo agad mapapansin ang pagod at balisa nila sa pagtira sa evacuation center. Hindi mo maiisip ang araw-araw nilang hirap sa pagtira sa isang silid-aralan kasama ang walo pang ibang pamilya.

Nang tanungin kung anong hiling nila, may isang batang nagsulat:

Ang wish ko ngayon ay makabalik na kami sa Marawi at mawala na ang martial law. . . Sana mawala na ang martial law para makapag-aral akong mabuti. Sana hindi mawala ‘yung gamit namin sa bahay. Sana makaalis na kami dito sa evacuation center kasi walang tubig at hindi kami makaligo nang mabuti at hindi kami makatulog nang mabuti.

 

Sa biglang tingin, walang kakaiba sa mga batang bakwit. Ngunit pag inilahad na nila ang kanilang mga kwento, sa gitna ng mga bungisngis, alinlangan at hinaing, mababatid mo sa kanila ang mga katotohanang pilit ikinukubli ng gobyerno sa publiko at ang kakaibang tatag mula sa kanilang mga karanasan. 

 

 

*Sumama si Riena sa 2nd National Interfaith Humanitarian Mission sa Lanao del Sur noong ika-26 hanggang 29, Hulyo 2017, na nilahukan ng Karapatan at iba pang mga progresibong organisasyon.

 

 

You may also want to visit:

Desaparecidos

Selda 

free all political prisoners